Sa kabilang banda naman ay ang mga naniniwalang si Hesus ay hindi lamang tao kundi buo ring Diyos. Sila’y tinatawag na “Athanasian,” na hango sa katunggali ni Arius, and mangangaral na Obispo ng Alexandria, si Athanasius. Itinuro naman ng obispo na ang Ama at Anak kabilang na rin ang Espiritu Santo ay pantay-pantay sa pagka-Diyos, sa kalikasan, at maging sa kapangyarihan.
At siyempre may iba’t-ibang bersyon pa sa pagitan ng dalawang kampo, pero bibigyang pansin lang natin ang nagtutungaliang katuruan. Ano nga ba ang katangiang taglay ni Hesus? Tao lang ba Siya? O buong tao at buong Diyos?
Parehong ginamit nina Arius at Athanasius ang Bibliya upang suportahan ang kanilang katuruan. Pero siyempre, hindi puwedeng dalawang magkasalungat na katotohanan ang itinuturo ng Banal na Kasulatan.
Maaaring tama si Arius at mali si Athanasius, o kabaliktaran. O kaya nama’y mali silang pareho. Pero hindi pwedeng parehong tama ang magkasalungat nilang katuruan.
Pansinin natin na may “common ground” ang dalawang panig. Pareho silang naniniwalang buong tao si Hesus. Ang pagkakaiba lang ay ang salitang “lang.” Para sa mga Arian, buong tao “lang” si Hesus. Sa mga Athanasian naman, Siya’y “hindi lang” buong tao, kundi higit pa rito.
Mahalagang obserbasyon ito dahil kung makahanap tayo ng kahit isang bahagi lang ng Bibliya na nagtuturong Diyos si Hesus ay guguho ang pundasyon ng mga Arian.
Sa artikulong ito, iyon nga ang susubukan nating gawin. At ang bibigyang atensyon natin ay ang Romans 9:5.
Para sa mga walang Bibliya, heto ang nilalaman ng nasabing verse sa iba’t-ibang salin ng Bibliya:
“Theirs are the patriarchs, and from them is traced the human ancestry of the Messiah, who is God over all, forever praised! Amen.” (New International Version)
“To them belong the patriarchs, and from their race, according to the flesh, is the Christ, who is God over all, blessed forever. Amen.” (English Standard Version)
“whose are the fathers, and from whom is the Christ according to the flesh, who is over all, God blessed forever. Amen.” (New American Standard Bible)
“Whose are the fathers, and of whom as concerning the flesh Christ came, who is over all, God blessed for ever. Amen.” (King James)
“Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.” (Ang Dating Biblia, 1905)
“ang kanilang mga ninuno’y mga pinili ng Dios; at nagmula sa kanilang lahi si Cristo nang siya’y maging tao—ang Diyos na makapangyarihan sa lahat na dapat purihin magpakailanpaman. Amen.” (Ang Salita ng Dios Biblia)
Para sa mabilisang konteksto, sa Chapter 9 ng Romans ay mababasa natin ang hinagpis ni Pablo para sa mga Judio. Nais niyang sila ri’y makakilala sana sa Panginoon kahit na kapalit noo’y siya mismo’y mapasailalim sa sumpa ng Diyos.
Ganoon na lang ang panghihinayang niya dahil sa mga pribilehiyong ibinigay ng Diyos sa mga Judio. Sa panulat ni Pablo, “na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang mga kapangakuan… (Romans 9:4)”
Dagdag pa niya sa v. 5, “Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman…” Kung baga’y nasa kanila na ang lahat at mula pa sa kanilang lahi ipinanganak ang Cristo, pero ayaw pa ring paniwalaan ng mga Judio si Hesu Cristo bilang Panginoon.
At bilang bahagi ng pagpupuri ni Pablo kay Cristo, idinagdag niya ang mga sumusunod na pang-uri sa huling bahagi ng verse 5, “...na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.”
Ayon sa ating nabasa, ang Cristo ay 1) “lalo sa lahat,” na nangangahulugang pinakamataas Siya, pinakamakapangyarihan, ang rurok ng buong sanlibutan.
Maliban dito, ang Cristo rin ay 2) “Dios na maluwalhati magpakailan man.” Sa simpleng basa, wala na tayong ibang maiintindihan kundi si Hesu Cristo ay Diyos na nagtataglay ng luwalhati (glory) sa habang panahon!
Kung nanamnamin pa nga ang unang bahagi, makikita rin ang katagang, “Cristo ayon sa laman,” na nangangahulugang ang Cristo ay may katawang tao o na Siya’y tao.
Ito nga ang kinatatayuan ng mga Athanasian. Si Hesu Cristo ay buong Diyos at Siya rin ay buong tao. Makikita ito sa loob ng Romans 9:5.
Pero nasabi ko nga kanina, kailangan lang nating makakita ng kahit isang bahagi ng Bibliya na nagtuturong Diyos si Hesus at sapat na upang mangibabaw ang katuruan ni Athanasius. Ito nga ang natagpuan natin sa Romans 9:5.
Kung ganoon, bakit mayroon pa ring naninindigan na tao lang si Hesus? Paano nila ipinapaliwanag ang nasabing verse? Nakalalungkot isipin pero ang pinakaginagamit ng mga nagtuturong tao lang si Hesus ay “mistranslation.”
Kung baga, ipipilit nilang isalin ang Bibliya mula sa orihinal na wika sa paraang umaayon sa kanilang itinuturo. Ganito nga ang makikita natin sa isang salin ng Bibliya na ginawa ng mga naniniwalang nakaaangat ang Ama kaysa sa Anak, ang New World Translation (NWT).
Ganito ang kanilang salin, “To them the forefathers belong, and from them the Christ descended according to the flesh. God, who is over all, be praised forever. Amen.”
Kapansin pansin ang malaking pagkakaiba sa kahulugan kumpara sa mga naunang salin kanina. Sa NWT, hindi na si Cristo ang tinatawag na Diyos. Kundi, inihiwalay nila ang dating dalawang paglalarawan at ginawa na lang papuri sa Panginoon.
Paano natin malalaman kung alin sa dalawang salin ang tama? Hindi ako iskolar ng Griyego na siyang orihinal na wikang ginamit sa Romans. Pero maaari nating suriin ito gamit ang isang “Interlinear Bible,” o isang uri ng Bibliya kung saan pinagtatabi ang orihinal na wika at ang wikang salin.
Ito ang Romans 9:5 mula sa isang online Interlinear Bible sa biblehub.com
Juan 1:1,14
1Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos…14Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin. Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.
Juan 5:18
18Dahil dito ay lalo ngang naghanap ng pagkakataon ang mga Judio na patayin siya. Ito ay sapagkat hindi lamang niya nilabag ang araw ng Sabat kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Diyos, na ipinapantay ang kaniyang sarili sa Diyos.
Juan 10:30-33
30Ako at ang Ama ay iisa. 31Muli ngang dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya ay batuhin. 32Sinabi sa kanila ni Jesus: Maraming mabubuting gawa ang ipinakita ko sa inyo mula sa aking Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan para batuhin ninyo ako?33Sumagot ang mga Judio sa kaniya na sinasabi: Hindi ka namin binabato dahil sa anumang mabuting gawa kundi dahil sa iyong pamumusong. Ginagawa mong Diyos ang sarili mo, ikaw na isang tao.
Juan 20:26-29
26Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.
28Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.
29Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.
Colossians 2:8-9
8Mag-ingat kayo, na baka bihagin kayo ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at ng walang kabuluhang panlilinlang, na ayon sa kaugalian ng mga tao, ayon sa mga espiritwal na kapangyarihan ng sanlibutan ito at hindi naaayon kay Cristo.
9Ito ay sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos.
Hebreo 1:8
8Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:
O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman.
At ang setro ng katuwiran ang magiging setro
ng iyong paghahari.