Ang Kahulugan ng Pasko sa Pangalan ni Hesus


Ano nga ba ang Pasko? Bakit natin ito ipinagdiriwang? Napanood ko sa isang balita na ang diwa raw ng Pasko ay ang pagbibigayan ng regalo.

Ang ilan naman ay naniniwalang mga reunion o pagsasalo-salo ng mag-anak ang tunay na kahulugan ng Pasko. Madalas din nating makita sa mga patalasatas na mga kainan, pamamasyal at party ang sentro ng selebrasyon.

At habang ako’y lumalaki ay tradisyunal ng sagot ang kapayapaan, pagpapatawaran, pagmamahalan bilang tunay na mensahe ng ika-25 ng Disyembre.

Pero kung nais talaga nating maintindihan ang mensahe ng Pasko, mabuting bumalik tayo sa simula, sa orihinal na kuwento. At ito’y mababasa natin sa Bibliya, ang Salita ng Diyos.

Ang Pasko sa Biblya 

Mayroong dalawang tala ng unang kapaskuhan sa Bibliya. Mababasa natin ito sa aklat ng Matthew chapters 1 at 2, at sa Luke chapter 2. Upang mas maintindihan natin ang kahulugan ng kapanganakan ni Hesus ay bibigyang pokus natin ang Matthew 1:18-25.

At habang binabasa ito, nais kong ibalin natin ang atensyon sa mga pangalang ibinigay kay Hesus. Nakakatuwang malaman na kahit sa pamamagitan lamang ng mga pangalang ito’y maiintindihan na natin ang tunay na diwa ng kapaskuhan.

Para sa mga walang Bibliya, heto ang Matthew 1:18-25 na halaw sa salin ng Bagong Magandang Balita Bibliya:

18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim.

20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."


22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,


23 "Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos").


24 Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.

Bakit mga pangalan?

Bakit ang mga pangalan ni Hesus ang ating bibigyang pokus? Ito ay dahil may kahulugan ang bawat pangalan. Halimbawa, ang pangalan ko’y Frederick Paulo. Ang Frederick ay nangangahulugang mapayapang pinuno habang ang Paulo naman ay maliit.

Ganoon din sa panahon nina Maria at higit pa! Ito ay dahil naniniwala ang mga Judio na ang pangalan ng isang tao’y nagpapakita ng kaniyang katangian, maging ng kaniyang kapalaran.

Isang halimbawa si Jacob na ang pangala’y nangangahulugang nakahawak sa sakong o kaya’y manlilinlang. Para sa mga pamilyar sa kaniyang kuwento sa Lumang Tipan, alam nating noong ipinanganak si Jacob ay hawak hawak niya ang sakong ng kaniyang kuyang si Esau. Maliban dito’y makailang beses ding nilinlang ni Jacob si Esau na nagbunsod ng hidwaan sa pagitan ng magkapatid.

Isa pang halimbawa ang pangalan mismo ng Diyos sa Bibliya. Sa Exodus 3, tinaong ni Moses ang Diyos kung anong pangalan Niya nang sa gayo’y  maniniwala ang mga Israelita na isinugo nga siya ng kanilang Diyos. Mababasa natin sa Exodus 3:14 ang pangalang Yahweh o kapag isinali’y, Ako ay si Ako nga.

Ganito ang pangalang ibinigay ng Diyos dahil walang isang salita ang kayang sumakop sa kabuuan ng Kaniyang katangian at pagka-Diyos! Mapagmahal ang Diyos, mahabagin, makatarungan, kagalang-galang, makapangyarihan, banal, alam Niya ang lahat, manlilikha, hukom at marami pa.

Ganito ang ibinigay Niyang pangalan dahil para Niyang sinasabing, “Ang pangalan Ko ay kung ano ang katangian Ko. Ang pangalan Ko ay kung sino Ako.

Nakita natin mula sa dalawang halimbawang ito ang kahalagahan ng pangalan para sa mga Judio. Sa pagdako natin sa mga pangalang ibinigay kay Hesus ay makikita rin nating nakahabi ang kabuuang plano ng Diyos sa likod ng kuwento ng Pasko.

Ang Pasko at ang mga Pangalan ni Hesus

May tatlong pangalan o titulong ibinigay kay Hesus sa kabanatang ating binasa. Sa verse 18, tinawag siyang Cristo, sa verse 21 ay Hesus at Emmanuel naman sa verse 23. Ating himayin ang tatlong pangalang ito upang maintindihan ang tunay na diwa ng kapaskuhan.

Hindi apilyedo ni Hesus ang Cristo. Bagkus, isa itong titulo na puwede nating ihambing sa Dr., Engr. o Atty. sa kasalukuyan. Galing ito sa salitang Greek na Cristos at salin ng Hebrew na Mesias na parehong nangangahulugang  “Ang Napili” o “Ang Nahirang.” Sa madaling sabi, ang ibig sabihin ng Cristo ay  “Napili o Nahirang ng Diyos.”

Ang Jesus o Hesus naman ay salin mula sa Hebrew na “Yeshua” o “Joshua.” Nangangahulugan itong “Nagliligtas ang Panginoon.” Ito nga ang ipinangalan sa anak ni Maria kasi ayon sa anghel ng Panginoon ay “ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Kung ating susuriin, makikita na natin dito pa lang ang pagka-Diyos ni Hesus dahil sabi ng pangalan Niya’y, Siya ang Panginoong nagliligtas mula sa mga kasalanan.

Panghuli ang pangalang Emmanuel na galing sa isang propesiya sa Isaiah 7:14. Ayon sa propetang Isaiah, “Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel.”

Ibig sabihin ng Emmanual ay “kasama natin ang Diyos.” Malinaw na malinaw mula sa ikatlong pangalan ang pagka-Diyos ni Hesus dahil sinambit ng Biblya na sa Kaniyang pagdating, makakasama natin ang Diyos.

Ito ang tatlong pangalang nakasulat sa Matthew 1:18-25. Kung hiwa-hiwalay, hindi natin makikita ang mensahe ng Pasko. Pero kung pinagsama-sama natin sila, madaling maiintindihan ang dahilan ng pagparito sa mundo ni Hesu-Cristo.

Paghahabi-habi at pagintindi

Ito nga ang ating gagawin ngayon—ipaghahabi natin ang mga pangalan ni Hesus sa pagnanais maintindihan ang Kapaskuhan.

Ang Pasko ay isang kagila-gilalas na pangyayari sa kasaysayan, na kung saa’y ang Diyos ay nag-Emmanuel, o pumarito sa lupa upang manahan kasama natin. At habang Siya’y naririto’s niyakap Niya rin ang pagiging tao habang nananatiling buong Diyos. Kaya nga ang Pasko ay kuwento rin ng Incarnation, o ng pagiging tao ng Diyos.

Hindi lang dito nagtatapos ang kuwento. May dahilan ang Diyos kung bakit Siya pumunta sa lupa upang mamuhay kasama ng sangkatauhan. Ang dahilan Niya ay para i-Jesus tayong lahat!

Ano nga ang Hesus? "Nagliligtas ang Panginoon." Pumarito ang Diyos at niyakap ang pagkatao upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Kaya ang Pasko ay kuwento rin ng kaligtasan mula sa kadiliman, dahil pumarito na sa mundo sa isang sanggol ang Panginoon na nagliligtas.

Napakahalagang buong Diyos at buong tao ang Tagapagligtas upang magsilbi siyang tulay sa pagitan ng Langit at Lupa, para mailapit niya ang tao sa Diyos at ang Diyos sa tao.

Paano tinupad ng Diyos ang pagpunta sa lupa at ang pagliligtas sa sangkatauhan? Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pag-Crist sa paghirang sa Kaniyang nag-iisang Anak, pagpili sa Diyos Anak upang isakatuparan ang kaligtasan ng lahat ng maniniwala o magpapasakop sa Kaniya.

Sa makatuwid, ang Pasko ay higit sa mga regalo, pagdiriwang, kasiyahan o pagbibigayan. Tama nga na ito ay tungkol sa pagmamahalan at pagpapatawaran pero higit sa pagitan ng mga tao. Ito ay tungkol sa pagmamahal ng Diyos at pagpapatawad Niya sa mga kasalanan ng mga naniniwala kay Hesus bilang  Tagapagligtas!
Ang Pasko ay kuwento ng kagandahan loob ng Diyos, ng grasya Niya na kahit tayo’y karapat dapat na mamatay dahil sa ating mga kasalanan ay ibinigay Niya ang Kaniyang Anak bilang regalo upang maligtas ang lahat ng mananampalataya.

Ngayong Pasko, dalangin kong magkaroon tayo ng panahong mag-reflect tungkol sa ating kalagayang espiritwal. Magbigay oras tayo upang pag-isipan kung tunay nga ba tayong naniniwala kay Hesus. Hindi lang ito impormasyon na naririnig natin mula sa ibang tao, napapanood o nababasa, pero paniniwala na mula sa puso—pagtitiwala na Siya lang ang tunay na makapagliligtas sa atin mula sa kasalanan.

Nawa ngayong Pasko’y tumawag tayo sa Diyos at humingi ng grasya upang maging ganap ang relasyon natin sa Kaniya! At kung tiyak naman ang ating kaligtasan, maging panahon nawa ang Kapaskuhan upang magpasalamat sa Diyos para sa lahat ng Kaniyang kabutihan at walang sawang paggabay sa ating buhay!

Maligayang Pasko sa ating lahat!
Next Next

0 comments:

Post a Comment