Mateo 1 Komentaryo


Kabanata 1


Si Mateo na kilala ring Levi ay isang publikano at taga-kolekta ng buwis sa ilalim ng Pamahalaang Romano sa Capernaum. Ang  kaniyang Ebanghelyo ay isinulat unang-una na para sa mga Judio. Dahil itinuturing nilang malakas na ebidensya ang katuparan ng mga  propesiya ay binigyang pokus ito ni Mateo sa kaniyang libro.

Namili siya ng mga katuruan at pangyayari sa kasaysayan ng Panginoong Hesus upang bigyang kalinawan ang kasalanan sa buhay ng mga Judio; upang alisin ang maling pag-aabang sa isang makamundong kaharian; mabuo ang kababaang-loob; upang turuan sila ng espiritwal na katangian at saklaw ng ebanghelyo; at upang ihanda ang mga Judio sa pagtanggap ng mga Gentil sa Simbahan.

Ang mga ninuno ni Hesus (1-17) Ang pagpapakita ng isang anghel kay Jose (18-25)

VV 1-17 May dahilan si Mateo sa paglalagay ng mga ninuno ni Hesus sa pagbubukas ng kaniyang Ebanghelyo. Isa itong patunay na ang Panginoong Hesus ay nanggaling sa bayan at pamilya kung saan inaasahang magmumula ang Tagapagligtas. Isa rin itong patunay na namuhay nga bilang tao si Hesus. Siya'y ipinanganak at may pinagmulang lahi.

Ang pangakong basbas o grasya ay ibinigay kay Abraham at sa kaniyang supling; samantalang, dominyon naman ang ipinangako kay David at sa kaniyang supling. Ipinangako kina Abraham at David na manggagaling sa kanilang lahi ang Kristo (Gen. 12:3; Gen. 22:18; 2 Sam. 7:12; Ps. 89:3). Dahil dito, maliban na si Hesus ay nanggaling sa lahi nilang dalawa ay hindi Niya matutupad ang propesiya tungkol sa Tagapagligtas. Hindi Siya maaaring maging ang Mesyas. Subalit napatunayang nanggaling si Hesus sa lahi nina Abraham at David sa paggamit ni Mateo ng kilalang talaangkanan.

Nang ang Anak ng Diyos ay piniling magkatawang-tao, Kaniyang niyakap ang buo nating katauhan, malapit maging sa ating kahabag-habag na kalagayan; subalit nanatili Siyang perpekto at walang kasalanan. Sa pagbabasa natin ng mga ninuno ni Hesus, ating alalahanin ang pagpapakababa ng maluwalhating Panginoon para lamang iligtas ang sangkatauhan.

VV 18-25 Ating masdan ang mga kaganapan sa pagpasok ng Anak ng Diyos sa mababa nating mundo, hanggang sa matutunan nating talikurang ang mga makamundong karangalan kapalit ng debosyon at kabanalan. Ang hiwaga ng pagiging tao ng Kristo ay dapat pakamahalin hindi lamang usisain.

Ginusto ng Diyos na taglayin ni Kristo ang katangiang  tao, maliban sa kasalanan na siyang dumungis sa lahi ni Adan. Inyong pakaintindihin na ang ang mapag isip hindi ang walang isip ang gagabayan ng Diyos. Ang Kaniyang gabay ay dumarating sa oras ng kawalan at kababaang-loob ng tao. Ito ay dahil ganap na kagalakan ang kaloob ng ginhawa ng Diyos sa mga taong naguguluhan.

Sinabihan si Jose ng isang anghel na ipanganganak ni Maria ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Pangangalanan niya itong Hesus, ang Tagapagligtas. Ang pangalang Hesus ay ang katumbas sa Griyego ng Josue na pangalang Hebreo. Ang Hesus ay nangangahulugang, "Ang Diyos ay Kaligtasan."

Malinaw ang dahilan ng pagpapangalan. Ang mga tutubusin ni Kristo ay maliligtas mula sa kanilang mga kasalanan; mula sa parusa nito sa pamamagitan ng Kaniyang kamatayan, at sa kapangyarihan nito sa tulong ng Espiritu ng Grasya. Sa pagliligtas ni Hesus ay pinalalaya Niya ang mga hinirang mula sa poot ng Diyos, sumpa ng kasalanan at kahirapang espiritwal dito at sa walang hanggan.

Naparito ang Anak ng Diyos upang iligtas ang Kaniyang mga hinirang mula sa kanilang mga kasalanan. Sa makatuwid, tinubos Niya sila mula sa mga makasalanan patungo sa Kaniyang sarili na walang kasalanan.

Tinupad nga ni Jose ang iniutos ng anghel nang maagap at may kagalakan. Pinagkatiwalaan niya ang Diyos kahit na mahirap maunawaan. Ang kaniyang halimbawa ay nararapat nating tularan sa pagsasabuhay natin ng Salita ng Diyos. Siguraduhin nating pagkatiwalaan ang Diyos, lalo na sa malalaking desisyon ng buhay, dahil ang Kaniyang direksyon ay siguradong ligtas at may kagalakan.


~*~
Hinango mula sa:
http://www.biblestudytools.com/commentaries/matthew-henry-concise/matthew/1.html
Next Next

0 comments:

Post a Comment